






Taon-taon binibigyang-halaga ang araw na inukit ng kasaysayan nang makamit ng bansang Pilipinas ang kasarinlan laban sa mga banyagang mananakop. Ngayong araw, Hunyo 12 nagmamarka ang ika-128 Araw ng Kalayaan ng ating bansa na ipinagdiwang sa Bayan ng Sariaya sa pangunguna ng Sariaya National High School katuwang ang Lokal na Pamahalaan.
Bilang pambungad na pagbati sa lahat ng nakibahagi, nagbigay ng mensahe si G. Carlito P. Gunay, PSDS Sariaya East District. Ipinarating rin ni PGen Jose Melencion Nartatez Jr. ang kanyang mensahe na patuloy na pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa ating bansa katuwang buong kapulisan. Sa mensahe namang ibinahagi ng Ina ng Bayan, Mayor Marivic T. Gayeta ay kanyang kinilala ang mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay upang makamit natin ang ngayon ay ating tinatamasa na kalayaan. Hinamon naman ni John De Valdeavilla, panauhing pandangal, ang lahat lalo’t higit ang bagong henerasyon na patuloy na makibahagi sa pagpapaunlad ng ating bansa na isang malaking ambag sa pagpapanatili ng kalayaan nating mga Pilipino. Naghandog rin ng mga pampasiglang bilang ang mga piling guro at mag-aaral na handog sa bawat isa. Nagbigay naman ng pampinid na pananalita si G. Aldie Tagara, Assistant School Principal II.
Nakiisa sa nasabing pagdiriwang si Congresswoman Ma. Cristina “Inday Tina” Talavera-Lopez, ang mga kinatawan ng tanggapan ng Pamahalaang Bayan ng Sariaya sa ilalim ng liderato ni Mayor Marivic T. Gayeta, Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Vice Mayor Arlene Genove, mga Punong Barangay, mga ahensya ng BFP, PNP, at PCG, mga punongguro ng DepEd Sariaya East at West District, mga pribadong paaralan, at mga Civil Society Organizations at iba’t ibang samahan na nag-alay rin ng bulaklak sa bantayog ni Gat Jose P. Rizal. Sa huli ay kinilala ang CSTC, Inc., kinatawan ng mga pribadong paaralan sa Sariaya na magiging punong abala sa Ika-129 na Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa susunod na taon.


Add Comment